Kabataan: Pag-asa ng Inang Bayan
Ayon kay Dr. Jose Rizal,ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Tayong mga kabataan ang siyang magbibigay ng magandang kinabukasan sa ating Inang Bayan. Ngunit,sa paglipas ng panahon ay malaki na ang pinagkaiba ng mga kabataan noon at ngayon. Tila unti-unti ng nabubura sa isipan ng mga kabataan ang mensaheng ito. Magagampanan pa kaya nila ang pagiging pag-asa ng bayan?
Habang tumatagal ay nagbago na ang mga ugali, kilos at gawi ng mga kabataan ngayon. Sinasabing ang mga kabataan noon ay mas masunurin at magalang. Isang tingin lang ng ina sa anak ay susunod na pero ngayon nagrerebelde na. Nakaugalian na nating mga Pilipino ang mag mano sa nakatatanda at pagtawag ng "po" at "opo" ngunit unti-unti na itong naglaho. Kung dati ay sa pagsapit ng alas-otso ng gabi wala ng kabataan sa labas, ngayon ay kahit hatinggabi na ay nag-iinuman pa sa labas. Sa kabataan noon na nabubuhay sa hindi pa gaanong kaunlad na teknolohiya ay naglalakad ng ilang kilometro para lang makapasok sa eskwela habang ang mga kabataan ngayon ay ilang metro lang ang layo pero tinatamad pang maglakad. Jung dati ay uso pa ang bahay-bahayan at tagu-taguan, ngayon ay hindi na nasisiyahan ang mga bata sa larong ito sa halip ay gadget na ang inaatupag.
Marami pa rin namang mga kabataan sa kasalukuyan na tinatahak ang ganitong klaseng buhay dati. Sana ay maging inspirasyon at maging daan sa ibang kabataan na pahalagahan kung anong meron dati at hindi maging pabaya sa mga bagay-bagay. Nawa'y sanay ang mga maling hinaharap ng mga kabataan ngayon ay maging tulong sa kanila upang matuto at magbago. Itutuwid ang kanilang mga pagkakamali at ang sarili mismo para sa ikakaunlad ng ating Inang Bayan. Ang kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan.